The Holy See Search
back
riga

Gaetano Catanoso  (1879-1963)

foto

 

Ang mga Taon ng Pormasyon Si GAETANO CATANOSO ay ipinanganak sa Chorio di San Lorenzo na nasasakop ng archidiocese ng Reggio Calabria, noong ika-14 ng pebrero ng taong 1879 kina Antonio Catanoso at Antonina Tripodi, mga magsasaka na may malalim na pananampalataya sa Panginoon. nabinyagan siya sa araw ng kanyang kapanganakan at noong 1882, siya ay tumanggap ng sacramento ng Pagkumpirma.

Sa edad na sampung taon, sa pagtugon sa tawag ng Panginoon, siya ay pumasok sa Seminaryo ng Archidioceses ng Reggio Calabria.

Pagkatapos ng kanyang pormasyon, siya ay inordinahan sa pagkapari ni Cardinal Gennaro Portanova, noong ika-20 ng Setyembre 1902. Sa okasyon ding iyon ipinahayag niya sa publiko ang kanyang layuning maging karapatdapat na alagad ni Kristo at hiniling niya sa kanyang mga magulang at mga kaibigan na ipagdasal siya upang sa pamamagitan ng puso ni Hesus makamtan niya ang kabanalan. Sumumpa siya na hindi na gagawa pa kailanman ng kahit ano mang pagkakasala at ang manatili sa presensya ng Panginoon sa lahat ng pagkakataon ng kanyang buhay.

Kura ng Pentidattilo

Sa loob ng dalawang taon, pinagtuunan niya ng pansin ang pagdisiplina ng mga seminarista sa Seminaryo. At noon taong 1904, siya ay ginawang Kura ng Pentidattilo, isang maliit na bayan ng Aspromonte, kung saan ang mga tao ay naghihirap, dahil sa hindi mga nakapag-aral, at karamihan sa kanila ay walang masyadong alam sa relihiyon. Ang mga tao sa lugar na ito ay namumuhay sa ilalim ng patuloy na pang-aapi ng mga mapagsamantala at nagtitiis sa di pantay-pantay na pamumuhay. Si Catanoso, ay walang atubiling gumawa ng paraan. Agad niyang iniukol ang kanyang sarili sa kanyang misyon bilang pastol ng lahat. Dinamayan niya ang kahirapan, kakulangan, kasiyahan at kaapihan ng kanyang mga parokyano.

Nakita ng mga tao sa kanyang mga gawain ang kanyang pagiging ama, kaya hindi naglaon ay natutunan na rin nilang tawagin ang kanilang kura na «padre ». Ang tanyag na ito ay hindi na nila nakuhang alisin pa dahil mas naipapakita nito ang ang kanyang katangian bilang pari at pastol.

Tahasan niyang ibinunyag ang Salita ng Diyos at ang pagtuturo ng doktrina ng simbahan, ipinagdidiwang niya ng taos puso ang mga misteryo at sakramento ng Panginoon, palagi siyang nagpapakumpisal, at hindi lang siya labis na matulungin sa mga pamilyang nangangailangan kung hindi ay maalalahanin pa sa mga may sakit. Nagbukas din siya ng libreng paaralang panggabi para sa mga batang hindi kayang pag-aralin ng mga magulang sa mga paaralang publiko, na kung saan siya rin ang nagtuturo.

Tumutulong din siya sa pagpapakumpisal sa mga kurang malalapit sa kanyang parokya.

Misyonaryo ng Santong Mukha

Sa Pentidattilo, lalo pang lumalim ang kanyang debosyon sa Naghihirap na Mukha ng Panginoon. naging misyon niya ang palaganapin ang kulto sa Banal na Mukha sa mga tao at sa mga pari at laico sa apostolato para sa kapatawaran ng mga kasalanan, la longlalo na sa paglapastangan at kakulangan ng rispeto sa mga pagdiriwang na pangrelihiyosa. «Ang Banal na Mukha—sabi pa niya— ay ang aking buhay. Siya ang aking lakas, at nagpatuloy pa siya na, si Hesus ay nangangailangan ng marami pang mga Veronica para sa kawalan ng rispeto at sacrilehiyo laban sa Panginoon, at maraming pang Sireneyo para sa Krus, na pasan ng mahihirap, na mas lalo pang bumibigat na wala man lang tumutulong at nag-aalaga ». Pinagisa niya ang debosyong ito kasama ng Eukaristiya. Dahil dito siya ay sumulat: ang debosyon sa Banal na Mukha ay nakatuon sa sagradong belo ni Veronica kung saan iginuhit ng Panginoon ang kanyang Banal na Mukha sa pamamagitan ng kanyang banal na dugo. Ito ay isang relikyang napakahalaga na pinangangalagaan ng Simbahan at ating sinasamba. Subalit kung gusto nating sambahin ang totoong mukha ni Hesus, at hindi ang imahen lamang, ang mukhang ito ay matatagpuan natin sa Banal na Eukaristia, kung saan sa pamamagitan ng Katawan at Dugo ni Kristo Hesus, ang Mukha ng ating Panginoon ay nasa ilalim ng belong puti ng ostia. At dahil si Kristo ay nasa bawat taong naghihirap, pinilit niyang dinala ang imahen ng Maykapal at inilapit sa mukha ng mga taong naghihirap ng dahil sa kanilang kasalanan.

Noong taong 1918, siya ay lubusang naging «Misyonaryo ng Banal na Mukha», ng maging miyembro siya ng Arkiconfraternidad ng Tours. Ng sumunod na taon, ipinundar niya sa Pentidattilo ang Samahan ng Banal na Mukha at kung saan nagtatag din siya ng maliit na pahayagan upang maipagtanggol ang nasabing debosyon.

Tagapagtaguyod ng opera ng Chierici Poveri (Institusyon ng mga Klerikong Mahihirap)

Sa paniniwalang ang pagkabuhay muli ng espiritualidad at moralidad ng mga taga-Calabria ay hindi magtatagumpay kung walang mga gawaing pang-pastoral ng mga pari, kaya’t itiniaguyod niya ang Opera ng mga Chierici Poveri, na may layuning mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan, na walang kaya, upang matupad ang layuning magpari. « Tipunin natin — sulat pa niya — ang ating mga lakas upang makapagbigay sa Simbahan ng marami at mga banal na mga pari, sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kabataang mahihirap na may bokasyon sa pagpapari. Pagtuonan natin nga pansin lalong-lalo na sa ating mga sakahan at bukirin kung saan makikita ang mga pinakamagagandang bulaklak na naghihintay sa makapangyarihang Kamay upang sila ay tipunin upang itanim sa hardin ng Panginoon. Hindi nagkukulang ang mga bokasyon, tulad ng paulit-ulit na sinasabi ng ibang tao sarado ang puso at hindi marunong mag-alay ng taos puso ng kanilang sarili ». Idinugtong pa niya: «payag akong maging mga luha ang aking dugo, kung sa pamamagitan ng sakripisyong ito, maitataguyod ko ang masaganang bokasyon ng mahihirap, na bukas ay babawas sa hinagpis ng Simbahan, na ina ng mga kaluluwa, at ganun din sa hindi mabilang na mga kaluluwa na matutulungan ng ministeryo ng Pagkapari ».

Trabahong Pastoral sa Reggio Calabria

Mula 1921 hanggang 1940, siya ay naging paroko ng Simbahan ng Santa Maria della Purificazione (tinatawag din na Candelora), sa lungsod ng Reggio, kung saan sa tulong ng kanyang kapatid na pari, don Pasqualino, ipinagpatuloy pa niya ang mga gawaing lubos na mahihirap. Ilan sa mga ito, na kung saan pinaglaanan niya ng lubos na pansin ay ang ebanghelisasyon, ang katekismo, misyon sa mga tao, ang kulto ng Eukaristiya, ang ministerio ng kumpisal, ang pagtulong sa mahihirap at mga maysakit, sa mga inaapi ng mga grupo ng mga masasama ang loob, ang paghubog sa bokasyon sa pagkapari, at ang pagtanggap sa mga taong lumalapit sa kanya upang humingi ng tulong. Ang walang humpay na apostolado at gawaing nagbibigay puri sa Diyos ay tumawag pansin sa kanyang mga nakakataas na naging dahilan upang bigyan pa siya ng ibang gawain, na lalo pang mahihirap: direktor espiritual ng seminaryo ng arkidioceses ng Reggio (1922-1949), kapelyano ng Ospital ng mga Riuniti (1922-1933), tagakumpisal ng mga institusyong pangralihiyoso, nga mga karaniwang tao at gayun din sa mga kulungan (1921-1950), kanoniko ng katedral, (1940-1963), rektor ng Institusyong Pia Unione del Volto Santo, pagkatapos ay inilipat sa Reggio mula Pentidatillo noong 1950 sa bisa ng dekreto ni Mons. Demetrio Moscato, Arsobispo ng Salerno at administrador Apostoliko ng Reggio at ng Bova.

Nagtatag ng mga Suore Veroniche del Volto Santo (Mga Madreng Veronica ng Banal na Mukha)

Sa mga taong inilagi niya sa Aspromonte, hinarap ni Catanoso ang iba’t ibang problemang pangsosyal at relihiyoso. «Noong pang 1920 — aniya — habang binibisita ko ang malalayong bayan sa kabundukan ng Calabria, at sa mga pagsesermon sa halos lahat ng mga parokya ng arcidioceses, nakita ang makabagdamdaming sitwasyon na kung saan marami sa mga kabataan ay naaapektuhan ng korupsyon at nagpapatuloy na walang gumagabay at walang hinaharap sa buhay, mga simbahan na marumi at walang alaga at mga tabernakolo na napapabayaan. Marami din sa mga pari ang naghihirap at walang nag-aalaga ». Dahil dito inumpisahan niyang gawin ang kanyang naiisip na magtatag ng isang kongregasyon ng mga relihiyosa, na may layuning magpalaganap sa debosyon sa Banal na Mukha ni Hesus at mag-aalaga sa mga paring nangangailangan ng pagkalinga at tutulong sa mga parokyang napabayaan. Noong taong 1934, sa inspirasyong ibinigay ni San Luigi Orione, na matagal na niyang kaibigan, itinatag niya ang Suore Veroniche del Volto Santo (Mga Madreng Veronica ng Banal na Mukha), na naaprobahan ni arsobispo Giovanni Ferro at ng Santa Sede. Siya mismo ang nagsabi na ang kanyang mga madre ay « dapat marunong makipag-usap at makihalubilo sa mga tao, nagmamahal lubos sa Panginoon, na hindi nagtatanong kung ang lugar ba na kung saan sila ipapadala ay may bahay o hardin. Sila ay yung tipong hindi nagrereklamo bagkus ay nagsasakripisyo, nagpapakahirap at tumutulong sa Simbahan ». Patuloy pa niya: «ang inyong lugar ay yung tinanggihan ng iba, ang lugar kung nasaan ang mga mahihirap at mapagkumbaba ». Sa pamamagitan ng mga kriteryong ito, ay itinaguyod niya ang kanyang itinatag na Institusyon, habang tinutulungan niya itong malampasan ang maraming pagsubok, at habang iniaalay ang kanyang tulong sa iba’t-ibang mga parokya hindi lang ng arkidiocese ng Reggio kung hindi sa marami pang iba.

Ang Tempio para sa Panginoon

Upang maipagpatuloy pa ang paglaganap ng nasabing debosyon, na siyang pinakabuod ng kanyang espiritualidad at ng kanyang apostolado, naisip niya ang magpatayo ng bahay-sambahan para sa Banal na Mukha. Subalit ang kanyang kamatayan ay hindi nagpahintulot sa kanya upang makita niya ang katuparan nito. Ganun pa man, siya ay biniyayaan ng Maykapal ng mas higit pa sa hindi niya pagiging bahagi ng katuparang ito. Pinahintulot ng Maykapal na ang kanyang sarili ay maging templo espiritual ng Panginoon (Cfr. 2 Kor. 6, 26), isang tunay na santuaryong buhay, na siyang naging basehan at inspirasyon para sa buong lungsod ng Reggio.

Buong tiwala na dumudulog sa kanya ang mga arso bispo ng bawat lungsod ng Reggio, mga pari at madre, mga seminarista at laiko, na madalas niyang pinakikitunguhan na may kagalakan at pagkalinga. Tulad ng sinasabi ng Ebanghelyo, « baluktot man ang tubo hindi niya ito binabale, at hindi niya pinapatay ang liwanag ng isang lampara » (Cfr. Mt. 12, 20), bagkus hinihikayat niya ang bawat isa upang magbigay puri sa Diyos sa kanilang pangaraw-araw na pamumuhay, at upang masugpo ang kasamaan sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan.

Kaisa ng mga Mahihirap, Para sa mga Mahihirap

Bilang isang tunay at ganap na misyonaryo ng Mabuting Balita, hindi niya nilimitahan ang pagpapabanal sa kanyang sarili lamang, bagkus ito’y kanyang ibinahagi sa iba. Ang kanyang mga salita, mga sulat at gawain ay pawang patunay lamang ng kanyang katapatan at pag-ibig kay Kristo. Ginising niya at binigyan ng pag-asa ang mga kaluluwang alipin ng kasamaan at kamangmangan. Ibinigay niya ang kanyang sarili para maituwid at mapabuti ang buhay-pananampalataya o kondisyong relihiyoso ng mga taga-calabria. Hindi siya nagwalang-kibo o naging manhid sa mga masasamang elemento ng lipunan na dulot ng kasalanan. Dahil dito, sa lakas ng kanyang pagmamahal at ng kanyang pagpapakumbaba ay sinikap niyang maibalik muli sa mga mahihirap ang kanilang karangalan at ang linisin ang lipunan sa lahat ng mga bagay na salungat sa kagustuhan ng Maykapal.

Ang Sentralidad ng Banal na Eukaristiya at ang debosyon sa Mahal na Ina

Sa pamamagitan ng kanyang pagmamahal sa mga kaluluwa ng mga tao at ng pagiging madasalin ay lalo pa niyang napalalim ang kanyang buhay espiritual.

Ang buod ng kanyang pagkapari at ang ugat ng kanyang apostolado ay ang Santa Misa at ang kanyang walang kapagurang adorasyon sa Santisimo Sakramento. Isinulat niya ang « ora Eucaristia Sacerdotale » noong 1915, isang dokumentong napakahalaga na tumatalakay sa sentralidad ng banal na Eukaristiya sa kanyang buhay. Madalas siyang nagsasakripisyo, mortipikasyon at madalas na nagpepenitensiya. Tinanggap ng walang reklamo ang mga sakit at ang pagkabulag na dumating sa huling parte ng kanyang buhay. Hindi lang niya iniwasan ng maigi ang mga kasalanan, sinikap niya ring gumawa ng mga riparasyon. Noong 1929, inialay niya ang kanyang sarili sa Banal na Puso ni Hesus sa layuning maisakatuparan sa kanyang sariling karne at laman ang mga pagkukulang sa kahirapan ni Hesus, sa halip na ipataw ito sa Katawan ni Hesus, na walang iba kundi ang Simbahan (Cf. Col. 1, 24). Siya ay may debosyon din sa Birheng Maria, na kung saan ang kanyang nagaalab na pagmamahal ay naisalin niya sa kanyang mga madre at alagad.

Mula noong bata pa siya ay natutunan na niya ang magrosario araw-araw na kanyang patuloy na ginagawa hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Ang banal na Rosario ay hindi nawawala ni isang saglit sa kanyang mga kamay.

Ang Pagsasakabilang Buhay

Hanggang sa kanyang pagtanda, hangga’t kaya niya, ay hindi niya pinabayaan ang kanyang mga tungkulin bilang isang pari, ang kanyang mga trabahong pastoral, habang hinahanda na niya ang kanyang sarili sa kanyang pakikipagkita sa Panginoon. Noong huli siyang nagkasakit malimit niyang binubulong ang mga salitang: «Talagang lubos kang kaakit-akit Panginoon!Talagang lubos kang kaakit-akit Panginoon »!

Sumakabilang buhay si Catanoso pagkatapos tumanggap ng mga huling sakramento, nong ika-apat ng Abril 1963 sa Reggio, sa Casa Madre ng Kongregasyon na kanyang itinatag.

Marami ang dumalo sa kanyang libing. Mga pari at iyong kumikilala sa kanyang bilang santo. Sa kanyang libing na pinangunahan ng Arsobispo, na nakakakilala sa kanya ng lubos, ito’y nagsabi na si Padre Catanoso ay «napakabanal na pari na sa buong buhay niya ay palaging itinuro sa mga tao kung paano magmahal at magsilbi sa Panginoon ».

Itinangi bilang Beato ni Papa Juan Pablo II noong Ika-apat ng Mayo 1987.

       

top