`Id al-Fitr 1428 H. / 2007 AD.
Kristiyano at Muslim:
Kapwa Tinatawagan na Ipalaganap ang Kultura ng Kapayapaan
Mga minamahal na kaibigang Muslim,
l. Itinuturing kong isang malaking katuwaan na ipahatid sa inyo ang
mainit at maalab na pagbati ng Konseho Pontifico para sa Dialogo ng mga
Relihiyon sa okasyon ng inyong masayang pagdiriwang ng "Id al-Filtr, na
nagtatapos ng tinahak na landasing bumilang ng mga buwan ng pag-aayuno at
pananalangin, hiling ng Ramadan. Ang hakbanging ito ay isang panahong natatangi
sa buhaykomunidad ng mga Muslim at kaloob sa bawat isa'y panibagong lakas para
sa pansarili, pampamilya at panglipunang pag-iral. Hinihiling nga na ang bawat
isa ay sumaksi sa mensahe nitong pang-relihiyon sa pamamagitan ng isang buhay na
may- integridad at higit na naaayon sa balakin ng Maykapal, na hanap ay
mapaglingkuran ang mga kapatid at hangad ang lalo pang paglawig ng pagkakaisa at
pakikipagkapatiran sa mga kasapi ng ibang relihiyon at sa lahat ng taong may
mabuting kalooban, dala ng pagnanais na sama-samang magsikap tungo sa kabutihang
pangkalahatan.
2. Sa kasalukuyang maligalig na panahong ating tinatawid, may katungkulang
magsikap ang mga kasapi ng iba't-ibang relihiyon , higit sa lahat, bilang mga
tagapaglingkod ng Makapangyarihan sa Lahat, na ipalaganap ang kapayapaan, sa
pamamagitan ng paggalang sa paninindigang pansarili at pang-komunidad ng bawat
isa, gayon din sa kalayaang isabuhay ang kanyang relihiyon. Ang kalayaang
panrelihiyon, na hindi dapat mauwi lamang sa kalayaang pang-kulto, sa katunayan,
ang isa sa pinagkaka-ugatang aspeto ng kalayaang pang-konsiyensiya, bahagi ng
kaangkinan ng bawat tao at batong-panulukan ng kalayaang pantao. Sa
pagsasa-alang-alang nito lamang maaring maitatag ang isang kultura ng kapayapaan
at pakikipagkapwa, kung saan maaring magkaroon ang lahat ng matiim na
pananagutan na magtayo ng isang pamayanang may higit na kapatiran, sa pagsisikap
na gawin ang makakaya upang tanggihan ang alinmang uri ng karahasan, upang ito'y
hayagang itakwil at pigilin ang lahat ng tangkang ito'y gamitin, dahil wala
itong anuman kinalaman sa motibong pangrelihiyon, sapagkat sinusugatan nito ang
nasa tao'y nakakawangis ng Diyos. Alam nating lahat na ang karahasan lalo na ang
terorismo na walang pakundangan kung humagupit at di -mabilang ang mga nagiging
biktima, nariyan na nga ang mga walang-malay, ay di-kailanman makalulutas sa
anumang sigalot, bagkus likha nito'y makamandag na sapot ng pagkamuhing-lubhang
mapanira, sa tao at sa mga pamayanan.
3. Bilang mga relihiyosong mga tao, kinakailangang tayo, una sa lahat ang
maging tagapagturo ng kapayapaan, ng karahasan ng tao, ng kalayaang may
paggalang sa bawat isa, gayon din ng isang buhay-pamayanan na higit na matibay,
sapagkat nararapat pangalagaan ng tao ang kanyang mga kapatid mababae o
malalaki, ang buong sangkatauhan, na walang kinikilingan. Walang sinuman ang
maaring isantabi mula sa malawakang- samahan dahil sa kanyang lahi, o relihiyon
o anumang katangiang pansarili. Bilang nagkakaisa, tinatawagan ang lahat ng
kasapi ng iba't-isang tradisyong panrelihiyon upang ipalaganap ang turong may
layuning dakilain ang bawat taong nilikha, isang pahatid ito ng pagmamahal sa
mga marunong makipagkapwa-tao at makipagkapwa-bayan. Tungkulin natin lalo na ang
hubugin ang kaisipan ng bagong salinlahi, sila na siyang mamumuno sa mundo sa
kinabukasan. Katungkulan upang-una ng mga pamilya, gayon din ng mga responsable
sa larangan ng edukasyon, at ang lahat nga mga may kapangyarihang sibil at
relihiyoso, na antabayanan ang pagpapalaganap ng turong matwid at mabigyan ng
nararapat na edukasyon ang bawat isa ayon sa larangang nabanggit , higit sa
lahat sa edukasyong sibiko, na humihikayat sa bawat kabataan na igalang ang
sinuman sa kanilang paligid at ituring silang mga kapatid, na sama-sama,
tinatawag ang lahat na mabuhay araw-araw hindi sa pagwawalang-bahala kundi sa
pagtuturingan bilang magkakapatid. Higit kailanman, mahigpit ang
pangangailangang turuan ang bagong salinlahi mga mga pagpapahalagang makatao,
moral at sibiko bilang pundasyon, at tunay na mahalaga di lamang sa buhay
pansarili kundi sa buhay- panlipunan rin. Ang kawalan ng diwa ng
pakikipagkapwa-tao ay dapat maging dahilan upang ipaalaala sa mga kabataan kung
ano ang inaasahan mula sa kanila ng buhay - pampamayanan. Ang nakataya rito ay
ang kabutihang pangkalahatan ng bawat lipunan at ng buong mundo.
4. Ayon sa diwang ito, nararapat lamang na pahalagahan ang pagpapatuloy
at pagiigting ng dialogo sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim, sa larangan ng
edukasyon at kultura, upang maibuhos ang lahat ng kakayahan sa paglilingkod sa
tao at sa buong sangkatauhan, upang maiwasan na magbuklod-buklod ang mga bagong
henerasyon ng mga kabataan sa ngalan ng kultura o relihiyon laban sa isa't-isa
kundi bilang tunay na magkakapatid na nagsisikap magpakatao. Ang dialogo ay
isang instrumento na maaring magsilbing paraan upang malampasan ang walang
katapusang paglala ng pag-aalitan at samot-saring pag-aawayan na lumalaganap sa
ating mga samahan, upang ang lahat ng mga tao ay makapamuhay ng panatag at
mapayapa, na may paggalang sa isa't-isa at maging sa kani-kanilang bilang ay may
namamagitang tunay na pagkakaunawaan.
Upang maisakatuparan ito, taimtim akong nananawagang pakinggan sana ng lahat
upang sa turong ng mga pagpupulong at pagpapalitan, ang mga Kristiyano at Muslim
ay magkasamang magsikap, sa diwa ng pagpapahalaga sa bawat isa, sa ngalan ng
kapayapaan at ng isang higit na magandang kinabukasan para sa lahat ng tao. Sila
nga ang magsisilbing halimbawa para masundan at matularan ng mga kabataan.
Mapapanibago nga ang tiwala ng mga kabataang ito sa buhaypanlipunan at higit
nilang sisikaping makilahok dito at tuparin ang kanilang bahagi sa
pagbabagong-anyo nito. Para sa kanila, nasa edukasyon at pagbibigay halimbawa
kung gayon, ang bukal ng pag-asa sa hinaharap.
5. Ito nga ang matiim na hangarin na ibinabahagi ko sa inyo: na ang mga
Kristiyano at Muslim ay magsikap pag-ibayuhing lagi ang kanilang pagsasama
bilang mabuting magkakaibigan at mapanlikha upang makapag-bahaginan sila ng
kanilang katutubong yaman, at higit sa lahat, lagi sana nilang bantayan na
maging karapat-dapat pamarisan ang kanilang pagsaksi bilang mananampalataya !
Inuulit ko, mga mahal na kaibigang Muslim, ang aking mainit na pagbati sa inyong
pagdiriwang at hinihiling ko sa Diyos ng kapanapaan at awa na ipagkaloob sa
inyong lahat ang mabuting kalusugan, kapanatagan at kasaganaan.
Jean-Louis Card. Tauran
Pangulo
Pier Luigi Celata
Kalihim