The Holy See
back up
Search
riga

PONTIFICAL COUNCIL FOR INTERRELIGIOUS DIALOGUE

MENSAHE PARA SA PAGTAPOS SA RAMADAN

`Id al-Fitr 1428 H. / 2007 AD.

Kristiyano at Muslim:
Kapwa Tinatawagan na Ipalaganap ang Kultura ng Kapayapaan

 

Mga minamahal na kaibigang Muslim,

l. Itinuturing kong isang malaking katuwaan na ipahatid sa inyo ang mainit at maalab na pagbati ng Konseho Pontifico para sa Dialogo ng mga Relihiyon sa okasyon ng inyong masayang pagdiriwang ng "Id al-Filtr, na nagtatapos ng tinahak na landasing bumilang ng mga buwan ng pag-aayuno at pananalangin, hiling ng Ramadan. Ang hakbanging ito ay isang panahong natatangi sa buhay­komunidad ng mga Muslim at kaloob sa bawat isa'y panibagong lakas para sa pansarili, pampamilya at panglipunang pag-iral. Hinihiling nga na ang bawat isa ay sumaksi sa mensahe nitong pang-relihiyon sa pamamagitan ng isang buhay na may- integridad at higit na naaayon sa balakin ng Maykapal, na hanap ay mapaglingkuran ang mga kapatid at hangad ang lalo pang paglawig ng pagkakaisa at pakikipagkapatiran sa mga kasapi ng ibang relihiyon at sa lahat ng taong may mabuting kalooban, dala ng pagnanais na sama-samang magsikap tungo sa kabutihang pangkalahatan.

2. Sa kasalukuyang maligalig na panahong ating tinatawid, may katungkulang magsikap ang mga kasapi ng iba't-ibang relihiyon , higit sa lahat, bilang mga tagapaglingkod ng Makapangyarihan sa Lahat, na ipalaganap ang kapayapaan, sa pamamagitan ng paggalang sa paninindigang pansarili at pang-komunidad ng bawat isa, gayon din sa kalayaang isabuhay ang kanyang relihiyon. Ang kalayaang panrelihiyon, na hindi dapat mauwi lamang sa kalayaang pang-kulto, sa katunayan, ang isa sa pinagkaka-ugatang aspeto ng kalayaang pang-konsiyensiya, bahagi ng kaangkinan ng bawat tao at batong-panulukan ng kalayaang pantao. Sa pagsasa-alang-alang nito lamang maaring maitatag ang isang kultura ng kapayapaan at pakikipagkapwa, kung saan maaring magkaroon ang lahat ng matiim na pananagutan na magtayo ng isang pamayanang may higit na kapatiran, sa pagsisikap na gawin ang makakaya upang tanggihan ang alinmang uri ng karahasan, upang ito'y hayagang itakwil at pigilin ang lahat ng tangkang ito'y gamitin, dahil wala itong anuman kinalaman sa motibong pangrelihiyon, sapagkat sinusugatan nito ang nasa tao'y nakakawangis ng Diyos. Alam nating lahat na ang karahasan lalo na ang terorismo na walang pakundangan kung humagupit at di -mabilang ang mga nagiging biktima, nariyan na nga ang mga walang-malay, ay di-kailanman makalulutas sa anumang sigalot, bagkus likha nito'y makamandag na sapot ng pagkamuhing-lubhang mapanira, sa tao at sa mga pamayanan.

3. Bilang mga relihiyosong mga tao, kinakailangang tayo, una sa lahat ang maging tagapagturo ng kapayapaan, ng karahasan ng tao, ng kalayaang may paggalang sa bawat isa, gayon din ng isang buhay-pamayanan na higit na matibay, sapagkat nararapat pangalagaan ng tao ang kanyang mga kapatid mababae o malalaki, ang buong sangkatauhan, na walang kinikilingan. Walang sinuman ang maaring isantabi mula sa malawakang- samahan dahil sa kanyang lahi, o relihiyon o anumang katangiang pansarili. Bilang nagkakaisa, tinatawagan ang lahat ng kasapi ng iba't-isang tradisyong panrelihiyon upang ipalaganap ang turong may layuning dakilain ang bawat taong nilikha, isang pahatid ito ng pagmamahal sa mga marunong makipagkapwa-tao at makipagkapwa-bayan. Tungkulin natin lalo na ang hubugin ang kaisipan ng bagong salinlahi, sila na siyang mamumuno sa mundo sa kinabukasan. Katungkulan upang-una ng mga pamilya, gayon din ng mga responsable sa larangan ng edukasyon, at ang lahat nga mga may kapangyarihang sibil at relihiyoso, na antabayanan ang pagpapalaganap ng turong matwid at mabigyan ng nararapat na edukasyon ang bawat isa ayon sa larangang nabanggit , higit sa lahat sa edukasyong sibiko, na humihikayat sa bawat kabataan na igalang ang sinuman sa kanilang paligid at ituring silang mga kapatid, na sama-sama, tinatawag ang lahat na mabuhay araw-araw hindi sa pagwawalang-bahala kundi sa pagtuturingan bilang magkakapatid. Higit kailanman, mahigpit ang pangangailangang turuan ang bagong salinlahi mga mga pagpapahalagang makatao, moral at sibiko bilang pundasyon, at tunay na mahalaga di lamang sa buhay pansarili kundi sa buhay- panlipunan rin. Ang kawalan ng diwa ng pakikipagkapwa-tao ay dapat maging dahilan upang ipaalaala sa mga kabataan kung ano ang inaasahan mula sa kanila ng buhay - pampamayanan. Ang nakataya rito ay ang kabutihang pangkalahatan ng bawat lipunan at ng buong mundo.

4. Ayon sa diwang ito, nararapat lamang na pahalagahan ang pagpapatuloy at pag­iigting ng dialogo sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim, sa larangan ng edukasyon at kultura, upang maibuhos ang lahat ng kakayahan sa paglilingkod sa tao at sa buong sangkatauhan, upang maiwasan na magbuklod-buklod ang mga bagong henerasyon ng mga kabataan sa ngalan ng kultura o relihiyon laban sa isa't-isa kundi bilang tunay na magkakapatid na nagsisikap magpakatao. Ang dialogo ay isang instrumento na maaring magsilbing paraan upang malampasan ang walang katapusang paglala ng pag-aalitan at samot-saring pag-aawayan na lumalaganap sa ating mga samahan, upang ang lahat ng mga tao ay makapamuhay ng panatag at mapayapa, na may paggalang sa isa't-isa at maging sa kani-kanilang bilang ay may namamagitang tunay na pagkakaunawaan.

Upang maisakatuparan ito, taimtim akong nananawagang pakinggan sana ng lahat upang sa turong ng mga pagpupulong at pagpapalitan, ang mga Kristiyano at Muslim ay magkasamang magsikap, sa diwa ng pagpapahalaga sa bawat isa, sa ngalan ng kapayapaan at ng isang higit na magandang kinabukasan para sa lahat ng tao. Sila nga ang magsisilbing halimbawa para masundan at matularan ng mga kabataan. Mapapanibago nga ang tiwala ng mga kabataang ito sa buhay­panlipunan at higit nilang sisikaping makilahok dito at tuparin ang kanilang bahagi sa pagbabagong-anyo nito. Para sa kanila, nasa edukasyon at pagbibigay halimbawa kung gayon, ang bukal ng pag-asa sa hinaharap.

5. Ito nga ang matiim na hangarin na ibinabahagi ko sa inyo: na ang mga Kristiyano at Muslim ay magsikap pag-ibayuhing lagi ang kanilang pagsasama bilang mabuting magkakaibigan at mapanlikha upang makapag-bahaginan sila ng kanilang katutubong yaman, at higit sa lahat, lagi sana nilang bantayan na maging karapat-dapat pamarisan ang kanilang pagsaksi bilang mananampalataya !

Inuulit ko, mga mahal na kaibigang Muslim, ang aking mainit na pagbati sa inyong pagdiriwang at hinihiling ko sa Diyos ng kapanapaan at awa na ipagkaloob sa inyong lahat ang mabuting kalusugan, kapanatagan at kasaganaan.

Jean-Louis Card. Tauran
Pangulo

Pier Luigi Celata
Kalihim

 

top