SANGGUNIAN NG SANTO PAPA PARA SA DIYALOGO SA PAGITAN NG MGA RELIHIYON PAHATID PARA SA PAGTATAPOS NG RAMADAN ‘Id Al-Fitr 1431 H./2012 A.D. Paghuhubog sa mga Kabataang Kristiyano at Muslim Para sa Katarungan at Kapayapaan Mga minamahal na kaibigang Muslim, 1. Ang pagdiriwang ng ‘Id Al-Fitr sa pagtatapos ng Ramadan ay masayang pagkakataon para ng Sanggunian ng Santo Papa para sa Diyalogo sa Pagitan ng mga Relihiyon upang ipahatid ang aming maalab na taos-pusong pagbati. Ikinalulugod namin na ang natataning panahong ito ay nagbibigay sa inyo ng pagkakataon na palalalimin ang inyong pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at iba pang mga mga banal na gawain na amin ding pinahahalagahan. Kaya nga nararapat na ituon ang ating sama-samang pagninilay sa paghuhubog sa mga kabataang Kristiyano at Muslim para sa katarungan at kapayaan na hindi maaring ihiwalay sa katotohanan at kalayaan. 2. Kung ang tungkulin ng edukasyon at paghuhubog ay nakaatang sa buong lipunan, ito ay pangunahing pananagutan ng mga magulang kasama ang mga mag-anak, paaralan at pamantasan gayundin ang mga namumuno sa mga gawaing pang-relihiyon, pang-kultura, pang-lipunan at pag-ekonomiya at sa mundo ng komunikasyon. Ito’y isang mabuti ngunit mahirap na adhikain: na tulungan ang mga bata at kabataan na makipag-kapwa at tuklasin at pagyamanin ang mga biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Manililikha. Sa pagtalakay sa tungkulin ng mga gumaganap sa larangan ng edukasyon, sinabi kamakailan ng Mahal na Santo Papa Benito XVI: “Dahil dito, higit kailanpaman, kailangan ng mga tunay na tagapagpatotoo at hindi lang mga taong nagbabanggit ng mga batas at pagpapahayag ng katotohanan. Una munang isinasabuhay ng isang tagapagpatotoo ang mga pamamamaraang ipinapanukala niya sa iba.” (Pahatid sa Pandaigidigang Araw ng Kapayapaan, 2012) Bukod dito, tandaan din natin na tungkulin ng mga kabataan ang kanilang sariling edukasyon at paghuhubog sa katarungan at kapayapaan. 3. Tinutukoy at sakop ng katarungan ang kabuuan ng pagkatao. Hindi ito maaring ituring sa mga dimensiyon lamang ng pagpapalitan at pamamahagi. Hindi natin dapat kalimutan na hindi makakamtan ang kabutihang pangkalahatan kung walang pagkakaisa at pag-ibig ng mga nagtuturingang magkakapatid! Para sa mga mananampalataya, ang tunay na katarungan na naisasabuhay sa pakikipagkaibigan sa Diyos ay nagpapalalim sa iba ring mga ugnayan: sa sarili, sa kapwa at sa buong sangnilikha. Paninidigan din nila na ang katarungan ay nagmumula sa katotohanang ang lahat ng tao ay nilikha ng Diyos upang maging isang pamilya. Ang ganitong pananaw, kalakip ng paggalang sa katuwiran at pagiging bukas sa di-mahihigitang kabutihan (transcendence) ay humihimok sa lahat ng taong may mabuting kalooban at nag-aanyayang pagtugmain ang mga karapatan at tungkulin. 4. Sa mundo nating sugatan, ang paghuhubog sa mga kabataan para sa kapaypaan ay lalong masidhing pangangailangan. Ang sapat na pakikilahok ay nangangailangan ng pag-unawa ng tunay na kahulugan ng kapayapaan. Ito’y hindi lamang kawalan ng digmaan o pagpapantay ng dalawang nagtutunggaling panig, kundi isang biyaya mula sa Diyos at mithiin ng tao na palagiang isinusulong. Ang kapayapaan ay bunga ng katarungan at pag-ibig. Mahalagang nakikiisa ang mga mananampalataya sa kanilang mga pamayanan sa pagkakakawang-gawa, pagkakaisa, pakikilahok at pagkakapatiran. Maari silang makatulong sa pagtugon sa mga matitinding hamon ng kasalukuyang panahon: paglago sa pagbubuklod, ganap na pag-unlad, pag-iwas sa mga alitan at pagwawaksi sa mga hidwaan. 5. Bilang pagtatapos, nais naming himukin ang mga kabataang Muslim at Kristiyano na nagbabasa ng pahatid na ito na pagyamanin ang katotohanan at kalayaan, upang maging mga tunay na tagagapagpahayag ng katarungan at kapayapaan at tagapagtatag ng isang kultura na gumagalang sa dignidad at karapatan ng mga mamamayan. Pinakikiusapan namin sila na pairalin ang kanilang pagtitiyaga at katatatagan na kinakaailangan sa pagtupad ng ganitong mga adhikain nang hindi bumabaling sa mga nakapag-aalinlangang kompromiso, nakapanlilinlang na pinaikling proseso o kapos na paggalang sa tao. Tanging ang mga tao lamang na mulat sa ganitong kamalayan at pangangailangan ang maaring makapagtatag ng isang lipunan na pinaghaharian ng katarungan at kapayapaan. Punuin nawa ng Diyos ng kapanatagan at pag-asa ang mga puso, pamilya at pamayanan ng lahat ng may masidhing paghahangad na maging “kasangkapan ng kapayapaan”! Maligayang Kapistahan sa inyong lahat! Jean-Louis Cardinal Tauran Pangulo Arsobispo Pier Luigi Celata Kalihim Mula sa Vaticano, ika-3 ng Agosto 2012. |